
TUGUEGARAO CITY- Plano ng pamilya Camangeg ng bayan ng Lasam, Cagayan na idulog na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkawala ng kanilang kaanak na si PMSgt. Jovelyn Camangeg.
Sinabi ni Ginoong Jill Camangeg, nakatatandang kapatid ni Jovelyn na nawawalan na kasi sila ng tiwala sa ginagawang imbestigasyon ng PNP Cagayan.
Ayon sa kanya, sa napakaraming anggulo na sinasabing iniimbestigahan na posibleng dahilan ng pagkawala ni Jovelyn ay tila wala naman umanong patutunguhan.
Bukod dito, may nagpapadala sa kanila ng mensahe na ayaw magpakilala at sinabihan sila na huwag magtiwala sa PNP dahil posibleng sila din umano ang may kagagawan sa pagkawala ng kapatid.
Kabilang sa anggulo ay ang sinasabi na hinold umano siya ng isa ring pulis sa hindi pa mabatid na dahilan.
Umaasa na lamang siya na buhay pa nga ang kanyang kapatid at uuwi sa kanyang mga anak.
Kaugnay nito, sinabi ni Jill na nagtataka siya ngayon dahil sa pinipilit siya ng PNP Lasam at Santa Ana na makuhanan ng swab sample para isailalim sa DNA test at para tignan kung ang kapatid niya ang narecover na bangkay sa Santa Ana.
Sinabi niya na noong una ay sinabihan na siya ng hepe ng PNP Lasam na malayo na ang kapatid niya ang bangkay.
Isang buwan na ngayong araw nang maiulat na nawawala si Camangeg.
Matatandaan na nagpaalam si Camangeg na pupunta sa Tuguegarao noong Pebrero 18 para ilakad ang kanyang loan at magdeliver ng kanyang panindang kape subalit hindi na siya umuwi sa kanilang lugar.



