Umaapela ngayon sa pamahalaang lokal ang pamilya ng napaslang na Brgy. Tanod sa bayan ng Buguey na payagan silang malamayan ang bangkay ng kanilang ama ng kahit tatlong araw lamang.
Itoy sa kabila ng pagdududa ng pamilya sa resulta ng RT-PCR test ng biktimang si Dionicio Torrecer ng Brgy Pattao, Buguey na namatay sa pamamaril subalit nagpositibo sa COVID-19, gayong naunang nag-negatibo sa isinagawang antigen test.
Kasabay nito ay umaapela ang anak ng biktima na si Jenny Gabuat na payagan sila ng Municipal Health Office na malamayan ang kanyang ama na na dalawang gabi na sa punenarya kung saan inihinto umano ang pag-eembalsamo sa bangkay.
Gayunman, sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Mayor Lloyd Antiporda sinabi niya na bilang pagtalima sa protocol ay kailangang ilibing agad ang sinumang namatay na COVID-19 patients.
Matatandaan na malapitang binaril ng dalawang lalaking nakasuot ng helmet na nagpanggap na buyer ng native na manok ang biktima sa kanyang bahay.
Nagtamo ng tatlong tama ng hindi pa mabatid na uri ng baril sa dibdib ang biktima na nagresulta sa kanyang pagkamatay.