Tugegarao City- Umapela ng malalimang imbestigasyon ang pamilya at mga kaanak ng nasawing COVID-19 suspect patient na 89 years old, biyuda na umano’y tumalon sa 3rd floor ng gusali ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC)kaninang madaling araw na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Sinabi ni Ex-Brgy. Chairman Manuel Cabagui ng Tuao, Cagayan anak ni Felisa Acosta ng Buntun, Tuguegarao City na nagtataka sila kung paano nahulog ang kanyang ina sa bintana ng gusali ng CVMC dahil sa siya ay bed ridden at naka-wheelchair sa kanyang bahay.

ang tinig ni Manuel Cabagui

Sinabi ni Cabagui na bago dinala sa CVMC ang kanyang ina ay pina-check-up nila siya sa pribadong ospital dahil sa nanlalamig ito noong May 3.

Ayon sa kanya, nang sunduin na sana nila ito dahil maayos na ang kanyang kundisyon ay ini-refer na pala ito ng ospital sa CVMC kaya dinala sa nasabing pagamutan para sa pagsusuri kung siya ay may covid-19.

-- ADVERTISEMENT --
muli si Cabagui

Sinabi pa ni Cabagui na nais nilang iuwi ang bangkay ng kanyang ina subalit kailangan pa umano ang pahintulot ng Department of Health.

Kasabay nito, sinabi ni Cabagui na hihingi siya tulong kay Governor Manuel Mamba ng Cagayan para sa imbestigasyon upang malaman ang tunay na nangyari sa kanyang ina.

Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na iniimbestigahan na ng ospital ang nangyari sa biktima.

Sinabi ni Dr.Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na na-admit ang pasyente noong May 3 mula sa St. Paul Hospital dahil nagpapakita ito ng mga sintomas ng COVID-19.

Ayon kay Baggao mayroong severe acute respiratory infection, ischemic heart disease, pneumonia at senile dementia ang pasyente.

Sinabi niya na maaaring depresyon ang dahilan ng pagtalon umano ng matanda dahil sa wala silang makausap sa kanilang silid sa covid ward.

Inihayag din nito na kada-oras umanong minomonitor ng mga nurse ang kalagayan ng kanilang mga pasyente subalit dahil sa nangyari ay maglalatag na ang ospital ng bagong panuntunan sa oras ng pagmonitor ng mga nurse sa lahat ng pasyente.

Sinabi niya na kada-30 minuto o mas madalas ang pagbisita at pagsilip sa mga mga pasyente.

Dagdag pa niya na pag-aaralan na rin ng ospital ang mga paraan para hindi maulit ang kalunus-lunos na sinapit ng pasyente.

Kagabi ay kinumpirma ni Baggao na nag-negatibo na sa kanyang swab retest ang pinakahuling confirmed case ng CVMC na isang health worker kung kaya pawang mga suspected cases nalamang ang inaasikaso ngayon sa ospital.

Samantala, kasalukuyan pa ang karagdagang imbestigasyon ng PNP Tuguegarao kaugnay sa nasabing insidente.

Sinabi ni PLT Isabelita Gano ng PNP Tuguegarao na nagsagawa na ng inspeksion ang mga imbestigador sa silid ng biktima na si Felisa Acosta, 89 years old, biyuda sa covid ward.

Ayon kay Gano, na kasya umano ang isang tao sa butas sa bintana ng silid ng lola.

Idinagdag pa ni Gano na batay sa pagtatanong ng imbestigador sa naka-duty na nurse, hinanap niya ang pasyente nang hindi niya makita sa kanyang kama.

Dito na umano nakita ang matanda sa ground floor ng ospital na wala ng buhay.

Idinagdag pa ni Gano na bago ang insidente ay sinasabi ng lola na gusto na niyang umuwi sa kanilang bahay sa Buntun.