Nanawagan ng tulong pinansiyal sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pamilya ng pinay worker na namatay matapos atakehin ng highblood sa bansang Hongkong.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Diosdado Alingog na isang linggo na na-commatose ang kaniyang maybahay na si Alma, 49-anyos bago binawian ng buhay noong November 27.
Kuwento ni Ginoong Alingog, sinagot ng amo nito ang gastos sa pagpapauwi ng mga labi ng kaniyang misis sa kanilang bahay sa Brgy district uno sa lungsod ng Cauayan, Isabela nitong December 31.
Wala naman umano silang duda sa pagkamatay ng kaniyang asawa dahil kasama nito sa pinagsisilbihang bahay bilang katulong ang panganay nilang anak.
Dagdag pa ni Ginoong Alingog na walong taong OFW ang kanyang misis sa Hongkong na aktibong miyembro ng OWWA.
Samantala, ihahatid sa kaniyang huling hantungan ang OFW sa araw ng Sabado, Jan 4, 2020.