Tuguegarao City- Duda ang pamilya ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na pagkalunod ang dahilan ng ikinamatay nito sa bansang Kuwait.
Disyembre 10, ng dumating sa Ninoy Aquino International Airport ang mga labi ni Josalyn Unana-Acob ng Brgy. Capannikian, Pudtol, Apayao na sinasabing namatay matapos malunod sa swimming pool.
Sinabi ni Dominga Acob, biyenan ng biktima, na may palatandaang sinadyang pinatay ang kanyang manugang dahil sa nakitang sugat sa leeg at bunganga nito.
Aniya ay pinabuksan umano niya ang kabaong ng biktima bago pa man siya ma-cremate.
Nabatid na bago ang sinasabing pagkalunod ni Josalyn noong Oktubre 2 ay nabanggit niya na sinasaktan siya ng kanyang among babae.
Inihayag pa niya na pinagbabawalan din siyang magpadala ng larawan sa kanyang mga kaanak upang hindi makita ang kanyang kalagayan.
Hinihinala ng pamilya na sinadya ang pagkamatay ng biktima bago ito nilunod kaya’t nanawagan sila sa pamahalaan ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang totoong nangyari bago ito mamatay.