Masakit man para sa ina na makita na patay na kanyang anak ay nakaramdam naman siya ng paggaan ng loob matapos na maiuwi na sa kanilang lugar sa Brgy. Masical, Amuling, Cagayan ang mga labi ni Marjorie Saquing Ancheta na namatay matapos na ma-suffocate umano sa sinakyan nilang school bus sa Sharjah, United Arab Emirates na tumirik sa gitna ng baha.

Matatandaan na nangyari ang insidente noong April 16 kung saan kasama ni Marjorie na namatay sa loob ng sasakyan ang isa pang Pinay.

Sinabi ni Ginang Maricris Ancheta na napasakit ang nangyari sa kanyang anak subalit wala silang magagawa kundi tanggapin na lamang ito.

Sinabi naman ni Michelle Carag, tiyahin ni Marjorie na kasama rin niya sa UAE na gusto pa rin nilang malaman ang tunay na pangyayari dahil nagtataka sila kung bakit hindi nadamay ang tatlo pang sakay ng school bus na kinabibilangan ng driver at dalawang lalaki na ibang lahi.

Ito ay sa kabila na batay sa inilabas na resulta ng imbestigasyon ng mga otoridad sa UAE ay wala umano silang nakita na criminal activity sa nasabing insidente sa halip ay na-suffocate sila dahil sa carbon monoxide mula sa sasakyan matapos itong tumirik.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, sinabi ni Michelle na ang employer ni Marjorie ang tumulong para sa repatriation ng mga labi nito at may ibinigay din na financial assistance ang Overseas Workers Welfare Administration sa Dubai.

Nagpapasalamat din sila sa iba pang grupo na tumulong sa pamilya ni Marjorie.

Inulila ni Marjorie na guro sa Sharjah ang kanyang tatlong anak na 8 years old at kambal na isang taon at pitong buwang gulang.