Hustisya ang panawagan ng pamilya Ancheta sa bayan ng Baggao, Cagayan sa pamamaril-patay sa kanilang ama noong gabi ng Pebrero 25 sa Barangay Barsat East.

Apela ni Alvin Javier Ancheta, anak ng biktima na si Apolonio Baculi Ancheta, 57-anyos, driver ng lokal na pamahalaan ng Baggao sa mga may nakakaalam sa pagpatay sa kanilang ama na ipagbigay-alam sa mga awtoridad para sa kanilang ikadarakip.

Ayon sa kanya, wala pa umanong lead ang PNP Baggao sa nasabing insidente.

Aniya maging sila ay blangko kung ano ang motibo sa pagpatay sa kanyang ama dahil wala naman silang alam na kaalitan o kaaway.

Sinabi ni Alvin na matutulog na sana sila ng kanyang asawa nang makarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa bahay ng kanyang ama na malapit lang sa kanilang tirahan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, naiwan ang kanyang ama na nanonood noon ng telebisyon nang siya ay pinagbabaril, kung saan nagtamo siya ng anim na tama ng baril.

Sinabi pa ni Alvin na nilason umano ang kanilang tatlong aso, dalawang linggo ang nakalilipas.

Ang biktima ay 27 years na driver ng LGU Baggao.

Nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan ang biktima sa March 8.