Tuguegarao City- Nanawagan ng tulong sa pamahalaan ang pamilya ng ni Patrolman Marvin Allata ng Brgy. Linao Norte, Tuguegarao City upang maiuwi ang mga labi nito matapos masawi sa pananaksak ng nahuling pinaniniwalaang miyembro ng NPA sa Eastern Samar.

Ayon kay Alvin Allata, ama ni Patrolman Allata, araw ng Linggo, Disyembre 13, 2020 nang malaman nila ang nangyari kay Marvin.

Batay aniya sa kwento ng tumawag na magulang ng kasamahan nito, may nahuling tatlong miembro ng NPA ang kanilang grupo habang sila’y nagsasagawa ng training sa isang liblib na lugar.

Itinali umano ang kamay ng tatlong nahuling NPA subalit nang pakainin sana sila ay nagkaroon ng pagkakataon ang isa upang maagaw ang kutsilyo sa kasamahan ni PAT. Allata na ginamat na panaksak sa kanya.

Isinugod sa pagamutan si PAT. Allata subalit binawian ng buhay matapos na maubusan ng dugo dahil sa layo ng lugar sa ospital.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, umapela ang Ama ng biktima na kung maaari ay huwag I-cremate ang anak dahil nais nitong makita ang kanyang katawan at mayakap sa huling sandali.

Giit ni Ginoong Allata na hindi naman namatay sa COVID-19 ang kaniyang anak.

Nanawagan siya ng tulong sa mga kinauukulan para mapabilis ang pag-proseso sa pagpapauwi sa mga labi ng kaniyang anak.

Hindi pa umano kasi ito maaaring maiproseso hanggat hindi isinasailalim sa swab test.

Ayon sa pa kaniyang ama na ito sana ang huling test-mission bilang kasapi ng SAF ni Allata.

Labis naman ang kalungkutan ng kaniyang ama sa nangyari kay Patrolman Allata lalo na at siya umano ang inaasahan nito na tutulong sa kanya para mapa-opera ang bukol umano sa kaniyang lalamunan.

Nagtapos ng BS Criminology sa University of Cagayan Valley si Patrolman Allata, 26-anyos kung saan miyembro siya ng Special Action Force ng Nataragsit class 2018.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa kaniyang kasintahan, sinabi ni Neliza Siddayao na balak sana nilang magpakasal pag-uwi niya ngayong buwan ng Disyembre.