Umaasa ang pamilya ng napaslang na si Aparri Vice Mayor Rommel Alameda kasama ang limang iba pa na mapabilis ang paghahanap sa dalawang missing na Persons of Interest.
Ayon sa maybahay ng bise-alkalde na si Elizabeth Alameda, ang pagkakahanap kina Darren Cruz Abordo at Rommel Oseña na kapwa kunektado umano kay Aparri Mayor Bryan Dale Chan ang magbibigay linaw at kalutasan sa naganap na krimen laban sa tinaguriang Aparri 6.
Si Abordo ang may-ari at driver ng sasakyan na ginamit na getaway vehicle ng anim na gunmen habang si Oseña naman na iniluklok ng alkalde sa Aparri Water District at sinasabing kinidnap ang siyang nagmaneho ng sasakyan na bumuntot sa sasakyan ng grupo ni Alameda sa mismong araw ng pananambang noong February 19 sa Nueva Vizcaya.
Ipagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order na pinamumunuan ni Sen. Ronald Bato Dela Rosa sa oras na mahanap na ang dalawa na lalong magdidiin sa iba pang mga POIs na kinabibilangan ni Mayor Chan at kanyang mga bodyguard.
Dismayado naman si Ginang Alameda sa pag-urong ng tatlong bodyguard ng alkalde na sumalang sa lie detector test na lalong nagpatingkad sa kanilang pagdududa na may kinalaman sila sa pagpatay.
Umaasa rin ito na makikipagtulungan ang telecom company para makuha ang detalye ng mga phone conversations ng telepono ni Mayor Chan gayundin ang kopya ng CCTV footages sa Brgy Centro 6 sa bayan ng Aparri.
Matatandaan na isiniwalat ni Ginang Alameda sa unang pagdinig ng Senado na kabilang ang kaniyang asawa sa mga taong pinagbantaan noon ni Mayor Chan kung maghahain ang mga ito ng kaso na kaniya namang itinanggi dahil wala naman itong natanggap na liham ng anumang reklamo na inihain laban sa kaniya sa Office of the Ombudsman.