Nakatakdang pumunta sa Indonesia ang ina, ama at mga anak ni Mary Jane Veloso sa linggo bago ang pagbabalik niya sa bansa bago ang Pasko.

Sinabi ng mga magulang ni Mary Jane na sina Celia at Cesar na nakatakda silang bumiyahe sa Jakarta sa December 15 para bisitahin ang kanilang anak sa nakulong ng 14 na taon.

Ayon kay Ginang Celia, masaya si Mary Jane at hindi na rin siya makapaghintay na makabalik ng bansa.

Idinagdag pa ni Celia na maging ang mga anak ni Mary Jane ay excited na rin sa pagbabalik ng kanilang ina at tiniyak nila na wala silang sasayangin na panahon sa sandaling magkakasama na sila.

Samantala, unang sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., na posibleng ikulong si Mary Jane sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City sa sandaling maibalik na siya sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, umapela ang mga magulang ni Mary Jane na ilipat ang anak sa ligtas na local facility dahil sa mga alalahanin sa mga banta mula sa international drug syndicate na nagsangkot sa kanya sa nasabing illegal drug trade.

Hinihiling din nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagkalooban ng clemency si Mary Jane.