Labis na nanghinayang ang isang government employee sa bayan ng Gonzaga, Cagayan na tumulong sa isang residenteng nasunugan ng bahay matapos ma-scam ang kanyang nalikom mula sa inilunsad na “raffle for a cause” sa kaniyang incubator machine na ginagamit para sa mga itlog.
Ayon kay Ferdinand Arquero, tumulong sa biktimang si ginoog Arnel Hidalgo ng Brgy. Sta. Clara na wala silang naisalbang gamit dahil tinupok ng apoy ang kabuuan ng kanilang bahay nitong nagdaang mga araw kayat naisipan niyang maglunsad ng pa-raffle upang makatulong.
Nakalikom aniya siya ng P15,000 at agad niya naman itong inilipat sa GCASH account ng anak ni Ginoong Hidalgo ngunit nang i-cashout ito ay nagkaroon ng problema kayat P5,000 lamang muna ang kanyang na- withdraw.
Pagkauwi sa kanilang bahay ay may tumawag umano sa anak ni Hidalgo at nag-alok ng tulong sa kanilang pamilya at gamit ang mabubulaklak na mga salita ay nangako ang scammer ng tulong pinansyal hanggang sa hindi namalayan ng anak nito na naibigay niya ang kaniyang GCASH account at password ng hingin na ito sa kanya.
Laking gulat na lamang ng mag-anak na Hidalgo na wala na ang laman na P10,000 ng kanilang gcash ng muli nila itong buksan at hanggang sa ngayon ay hindi pa nila nakikilala kung sino ang nang-scam sa kanila.
Saad ni Arquero, nalulungkot siya dahil ito ay buong puso niyang itinulong sa mag-anak na biktima ng sunog ngunit sa isang iglap ay nawala lang ito sa kanila kung kayat dumulog aniya sila sa mga kinauukulan upang mahanap at ma-trace ang pagkakakilanlan ng salarin at mapanagot sa batas.