Tiniyak ni PMAJ Major Llewilyn Guzman, Chief of police ng PNP Pamplona na mapapanatiling drug cleared ang bayan ng Pamplona at mas magiging maigting sa kanilang mga kampanya at operasyon laban sa illegal na droga para sa ikakatahimik ng lugar.

Ito ay matapos na ideklarang Drug Cleared Municipality ang bayan ng Pamplona sa naganap na pagpupulong ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROBDC) para sa deliberasyon ng drug-cleared status ng nasabing bayan.

Aniya, masusing sinuri ang mga dokumento o report na iprinisinta ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Department of Health (DOH) at Provincial Local Government Unit (PLGU).

Mayroong 18 barangay ang nasabing bayan kung saan 17 dito ang apektado noon at 1 ang drug free.

Ibinahagi din ni Guzman kung bakit natagalan ang deklarasyon dahil sa dokumento na kailangang ipasa o tinatawag na drug clearing books upang madeliberate ang nasabing bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito ay inantay rin ang pagdeklara ng Pamplona bilang drug free workplace kung saan inantay munang maging 100 percent ang attendance ng mga workers ng LGU sa pagsasagawa ng drug testing kada taon.

Sa ngayon ay ika-11 ang bayan ng Pamplona bilang drug cleared municipality sa probinsiya ng Cagayan.