Nilooban ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek ang eskwelan ng Nabannagan National High School sa Barangay Nabannagan West, Lasam, Cagayan.
Ayon kay PCAPT Antonio Palattao, hepe ng PNP-Lasam na nangyari ang panloloob noong Sabado, March 14 at nadiskubre ng isang guro ang panloloob nang puntahan nito ang paaralan noong Linggo kung saan March 18 na ito na-ireport sa pulisya.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinira ng mga suspek ang padlock ng Computer Laboratory Room ng nasabing paaralan at tinangay ang 14 unit ng netbuk, 1 unit ng laptop, 1 unit ng amplifier at 1 unit ng projector.
Kasabay nito ay pinasok din ng mga suspek ang gymnasium at tinangay ang isa pang unit ng amplifier at make-up kits.
Nadiskubre rin na sinira ng mga magnanakaw ang padlock sa principals office, finance office, dalawang classroom at maging ang school canteen.
Samantala, hindi pa matiyak ang halaga ng mga gamit na tinangay ng mga magnanakaw.
Ayon kay Palattao, mayroon na umanong person of interest na tinututukan ang pulisya subalit tumanggi muna itong magbigay ng detalye habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.