Tiniyak ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, na nananatiling matatag ang pamumuno ni Vicente Sotto III, Senate President, sa kabila ng nakaambang impeachment trial laban kay vp Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, nagsimula na silang maghanda ni Sotto sa pamamagitan ng mga briefing sa mga usaping legal, kabilang ang Rules of Court at Revised Rules on Criminal Procedure, bilang paghahanda sa posibleng pag-usad ng impeachment trial sa Senado.

Dagdag niya, bagama’t may posibilidad ng mga tangkang palitan ang liderato lalo na tuwing session break, nananatiling buo ang mayorya at suportado ang pamumuno ni Sotto.

Ibinahagi rin ni Lacson na pinayuhan niya si Sotto na maging handa sa posibleng hakbang ni Rodante Marcoleta, senador at kaalyado ng kampo ni Duterte, na kuwestiyunin ang basehan ng impeachment upang mapigilan ito. Aniya, malinaw ang mandato ng Konstitusyon na obligasyon ng mga senador na gampanan ang kanilang tungkulin bilang senator-judges sa isang impeachment trial.

Samantala, nauna nang nagpahayag ang ilang miyembro ng House justice committee na may sapat na basehan upang isulong ang impeachment laban kay Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds at iba pang isyu tulad ng sinasabing hindi maipaliwanag na yaman.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahan ding tatalakayin sa susunod na pagdinig ang mga ebidensyang may kinalaman sa bank transactions na posibleng isumite ng Anti-Money Laundering Council.