TUGUEGARAO CITY- Binigyan diin ni Dr. Samuel Garcia, chairman ng Cagayan Valley Bamboo Industry Development Council o CVBIDC na panahon na para sa malawakang pagtatanim lalo ng mga kawayan.

Sinabi ni Garcia na hindi na dapat na hintayin na makaranas ang lambak ng Cagayan ng mas matinding kalamidad tulad ng mga pagbaha bago kumilos.

Kaugnay nito, sinabi ni Garcia na inorganisa nila ang council bago pa man ang paglaganap ng covid-19 sa rehion kasama ang mga gobernador ng Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya.

Sinabi ni Garcia na nagpahayag naman ng interes ang gobernador ng Batanes para sa pakikiisa sa nasabing konseho.

Idinagdag pa ni Garcia na ito ay sa pakikipagtulungan din ng Department of Trade and Industry, Department of Agriculture, Department of Science and Technology at State Universities.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa niya na bukod sa nasabing konseho ay mayroon din silang Rapid Foundation.

Ayon sa kanya, bilang panimula para sa pagtatanim ng mga kawayan ay nagbigay na sila ng 2,000 na seedlings para sa rehabilitation drive.

Nakakalungkot aniya na tila hindi pinagtutuunan ng pansin ang pagtatanim ng kawayan na itinuturing niyang “tree of life” dito sa rehion dos na madalas ang problema sa pagbaha.