
Binigyang-diin ni Rev. Fr. Ranhilio Calangan Aquino, Dean ng Graduate School of Law ng San Beda University at kilalang eksperto sa international law na ang pananakot ng Estados Unidos sa mga bansang sumusuporta sa International Criminal Court (ICC) ay isang pag-atake sa pandaigdigang hustisya.
Ayon kay Fr. Aquino, ang hayagang pagbabanta ng administrasyon ni US Pres. Donald Trump ng mga sanctions laban sa mga bansang sasali sa Rome Statute ay maaaring makapinsala sa kakayahan ng hukuman na mag-usig ng mga krimen laban sa sangkatauhan.
Aniya, ang pagtutol ng US ay nag-ugat sa takot na usigin ng ICC ang mga Amerikanong sundalo at opisyal na maaaring sangkot sa mga war crimes.
Gayunpaman, ipinaalala ni Fr. Aquino na ang pagtatag ng international court para sa mga krimen sa digmaan ay sinimulan mismo ng US matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang ICC ay may kapangyarihang mag-usig ng apat na pinakamabibigat na krimen gaya ng genocide, war crimes, crimes against humanity, at crime of aggression
Sa kabila ng mga banta, nanindigan si fr. Aquino na mahalaga ang ICC bilang garantiya na mapaparusahan ang mga pinakamabigat na krimen gaya ng kinakaharap na kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang Pilipinas ay dating miyembro ng Rome Statute noong panahon ni Pangulong Aquino, ngunit umatras ito sa ilalim ng administrasyong Duterte.










