Ibinabala ng isang Feng Shui expert ang posibleng pagpasok ng malalakas na bagyo sa Pilipinas na mananalasa sa Northern Luzon ngayong Year of the Water Tiger.
Sa kanyang prediksyon, sinabi ni Tony Suvega na kailangang paghandaan ang nasa dalawa hanggang tatlong super typhoon na posibleng manalasa sa Cagayan ngayong 2022.
Sa pagtatapos ng Year of the Metal Ox sa katapusan ng Enero, 2022 ang siyang pagpasok ng Year of the Water Tiger na nagrerepresenta sa kagubatan kung kaya hinikayat ni Suvega ang publiko na pangalagaan ang kalikasan sa pagtatanim ng mga puno bilang panlaban sa kalamidad.
Bukod sa malalakas na bagyo nagbabala rin si Suvega ng mga forest fires sa katimugang bahagi ng bansa gaya ng Compostella Valley, Davao, Bukidnon at Lanao.
Pinag-iingat rin ni Suvega ang publiko sa mga karahasan lalo na sa mga kabataang babae at mga aksidente.
Sa kabila nito, sinabi ni Suvega na muling uunlad ang ekonomiya ng bansa dahil sa pagpasok ng maraming pera ngayong taon.
Nakikita niya ang pagbaha ng pera sa bansa kasabay ng maraming opostunidad para sa pagkakakitaan kasabay ng pagwawakas ng pagtatapos ng violence of the wind na pagwawakas din ng COVID-19 na nagsimula noong 2020.
Paalala naman ni Suvega na ang mga prediskyong ito ay bilang gabay lamang at pinapayuhan ang publiko ng ibayong pag-iingat.