
Ikinokonsidera na inciting to sedition ang panagawan ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson na magsagawa ng mga protesta para tanggalin sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Palace press officer Claire Castro na ipapaubaya niya sa Department of Justice ang pasya kung magsasagawa ito ng motu proprio investigation sa nasabing usapin.
Ayon kay Castro, sa kanyang opinyon bilang isang abogado, ang panawagan ni Singson na patalsikin si Marcos ay maituturing na inciting to sedition.
Ibinasura din ni Castro ang hamon ni Singson na debate kay Marcos at kay dating Speaker Martin Romualdez kaugnay sa mga umano’y maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Castro na masyadong abala ang Pangulo sa kanyang mga trabaho at wala siyang panahon para sa debate.
Iginiit niya na dapat na ginawa niya ang hamon na debate noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na inamin ang korapsyon noong panahon ng kanyang administrasyon.
Sa isang press conference noong Lunes, nanawagan si Singson sa religious groups na magkaisa at magsagawa ng protesta sa lalong madaling panahon sa gitna ng mga umano’y anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.










