Tinawag ng Palasyo na makasarili ang panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na alisin sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil ang makikinabang ay ang anak niyang si Vice President Sara Duterte.

Sa ilalim ng batas, ang bise presidente ang hahalili kapag hindi na kayang gampanan ng pangulo ang tungkulin nito na pamunuan ang bansa.

Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na gagawin ni Duterte ang lahat, tulad ng pag-insulto sa pagiging propesyonal ng militar sa pamamagitan ng panawagan sa kanila na talikuran ang kanilang sinumpaang tungkulin, para sa kanyang plano na magtagumpay.

Pinayuhan ni Bersamin ang nakatatandang Duterte na igalang ang Saligang Batas at tigilan na ang pagiging iresponsable.

Iginiit naman ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na walang krimen sa mga sinabi ni Duterte, at hindi maituturing na sedisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag pa ni Panelo, wala namang sinabi ni Duterte patungkol sa paggamit ng puwersa o panggigipit o ilegal na paraan para mabigyan ng katuwiran ang nakasaad sa Article 139 ng Revised Penal Code tungkol sa sedisyon.

Binatikos naman ng ilang kongresista ang pahayag ni Duterte laban kay Marcos.

Para kay 1-Rider party list Rep. Rodge Gutierrez, isang abogado, maituturing inciting to sedition ang mga pahayag ng dating pangulo dahil sa panawagan nito sa militar na kumilos laban sa gobyernong Marcos.

Iniimbestigahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability, si VP Duterte kaugnay sa paggamit nito ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na dati niyang pinamumunuan.

Inihayag naman ni Ako Bicol party-list Rep. Raul Bongalon na nais lang maghasik ng gulo ng dating pangulo.

Samantala, Iimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang mga binitiwang pahayag ni Duterte.

Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Hermogenes Andres, ang mga pahayag ni Duterte ay maaaring ituring na sedisyon, at dapat na suriin sa konteksto ng mga naging pahayag din ng kaniyang anak na si Bise Presidente Sara Duterte.

Nitong Lunes, sinabi ni Duterte na tanging ang militar lang ang maaaring “magtama” sa tinawag niyang “fractured governance” sa ilalim ni Marcos na isa umanong “drug addict.”