Inaasahang bababa ang pandaigdigang konsumo ng alak sa susunod na sampung taon sa kabila ng paglaki ng populasyon at pagtaas ng demand sa ilang umuunlad na merkado gaya ng India, ayon sa market research firm na IWSR.

Batay sa kauna-unahang 10-year forecast ng IWSR na sumasaklaw sa 160 merkado, hindi inaasahang hihinto ang pagbaba ng dami ng alak na kinokonsumo sa buong mundo bago ang 2031.

Pagsapit ng 2035, tinatayang mananatiling 1 porsiyentong mas mababa ang kabuuang konsumo kumpara noong nakaraang taon kahit pa tataas ng 9 porsiyento ang bilang ng mga nasa legal na edad para uminom.

Ayon kay Marten Lodewijks, presidente at managing director ng IWSR, malaking hamon sa industriya ang pagbabago ng panlasa at gawi ng mga mamimili, kaya kailangang umangkop ang mga kumpanya sa mga bagong trend.

Kabilang sa mga dahilan ng paghina ng demand ang mataas na gastusin sa pamumuhay, lumalaking kamalayan sa kalusugan, at pagdami ng paggamit ng weight-loss drugs na maaaring makaapekto sa pag-inom ng alak.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahan ding bababa ang konsumo sa mga pangunahing merkado tulad ng China, Estados Unidos, Germany, Japan, at United Kingdom.

Sa kabilang banda, patuloy namang lalakas ang demand sa India, na inaasahang magiging ikalawang pinakamalaking merkado ng alak sa mundo pagsapit ng 2032, kasunod ng China.

Nakatala rin ang inaasahang paglago ng konsumo sa Mexico, Vietnam, at Colombia sa susunod na dekada.