Patay ang isang panday matapos tagpasin sa leeg ng kanyang kapitbahay na may problema sa pag-iisip sa bayan ng Igbaras, Iloilo.

Agad na namatay ang biktima na si Edwin Elumba, 52-anyos, panday at tanod sa Barangay Talaytay.

Ayon sa Igbaras Municipal Police Office, agad na nahuli sa hot pursuit operation ang suspek na isang 27-anyos na lalaki.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, abala ang biktima sa pagpapanday sa ginagawang bahay ng kanyang kaanak nang bigla na lamang sumulpot ang suspek na may hawak na itak.

Walang babalang tinagpas ng suspek ang leeg ng biktima at mabilis na tumakas.

-- ADVERTISEMENT --

Natunton ng pulisya ang suspek sa Barangay Tigmarabo habang naliligo sa ilog na nagresulta sa pagkakadakip dito.

Kwento ng kaanak, may problema sa pag-iisip ang suspek at kapag sinusumpong ito ay nagiging bayolente.

Inihanda na ang kasong pagpatay na isasampa laban sa suspek.