TUGUEGARAO CITY- Binigyan diin ni Professor Arthur Urata na sobra-sobra na ang ginagawang pang-aabuso sa substitution process para sa mga kakandidato sa eleksion sa susunod na taon.
Sinabi ni Urata na kalokohan na ang ginagawa ngayon ng ilang pulitiko lalo na ang mga tatakbo sa pinakamataas na posisyon na sinimulan umano ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 ng pinalitan niya sa pagtakbo sa pagkapangulo si Martin DiƱo.
Ayon sa kanya, ang dapat na sisihin dito ay ang mga pulitiko at maging ang Commission on Elections dahil sa magkakaibang interpretasyon sa Omnibus Election Code kung saan nakasailalim ang substitution.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng substitution noon ay papalitan ang isang kandidato kung ang naghain ng kandidatura ay namatay o incapacitated o hindi na kayang ituloy ang kanyang kandidatura.
Subalit, nagbago ito dahil sa binigyan ng COMELEC ng mas maluwag na interpretasyon ang nasabing proseso.
Kaugnay nito, sinabi ni Urata na dapat na gumawa ng hakbang dito ang COMELEC na magagamit na sa susunod pang mga eleksion.
Bukod dito, sinabi niya na panahon na rin na gumawa ng amienda ang kongreso sa Omnibus Election Code dahil ang mga nangyayari ngayon ay isang uri ng pangungutya sa election process.
Binigyan diin pa ni Urata na dapat na maging matatag at hindi pababago ang desisyon ng mga naghahain ng kanilang kandidatura.
Iginiit niya ang isang tunay na kandidato ay may iisang desisyon at hindi kailangan na magtago sa ilalim ng ibang tao para sa pagpapalit ng kandidatura.
Tinukoy ni Urata si Mayor Sarah Duterte na unang sinabi na hindi siya tatakbo sa mas mataas na posisyon subalit naghain ng kandidatura para sa pagkabise presidente at si Senator Bong Go na una ring nagsabi na wala siyang ibang choice kundi tumakbo bilang presidente.
Maging ang paghabol ni Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang kandidatura sa pagka-Senador na una nang nagpahayag na magreretiro na sa politika.
Sinabi ni Urata na ito ang kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas.
Idinagdag pa ni Urata na hindi masama ang substitution per se subalit dahil sa magkakaibang interpretasyon ay naaabuso na ito ng mga kandidato.
Samantala,pinuna ni Urata ang pang-aabuso na rin sa social media.
Tinukoy ni Urata ang paglalagay ng ilang netizens ng larawan ng isang kandidato at nilalagyan ng mga nakakainsultong mga statement.
Ayon sa kanya, dapat na magawan din ito ng paraan ng mga otoridad.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Toni Labinia, political analyst at dekano ng Ateneo de Manila University School of Government na ginagawa umanong laro ng mga pulitiko sa national level ang mahalagang proceso ng election sa bansa na nakakapagpalito sa mga botante.
Ayon kay Labinia, isa sa nakikitang layunin ng kanilang paglalaro sa pulitika ay upang manatili sila sa kapangyarihan.
Aniya maraming mga botante ang nililito dahil sa kasinungalingan at pabagubagong istratehiyang ginagawa ng ilang mga kandidato dahil sa pag-aabuso sa substitution process ng bansa.
Gayonman ay nanawagan si Atty. Labinia sa House of Representative at maging sa Senado na amyendahan ang mga probisyong nakapaloob sa Omnibus Election Code.
Samantala, naniniwala siya na hindi magkakaroon ng alyansa ang Marcos at Duterte- Carpio kahit pa umano tanggapin ni Mayor Sara ang Vice Presidential Adoption ng partido ni Bong Bong Marcos sa kanya.
Paliwanag niya, hindi madadala ni Sara ang boto ng mga taga-suporta ng Duterte kay Marcos dahil mananatili lamang ito para kay Sen. Bong Go na kaalyado ng ama nitong si Pangulong Duterte.
Isa pa aniya sa ikinukunsidera ay ang pahayag ni pangulong duterte na hindi niya susuportahan at iboboto si Presidential Aspirant Bong Bong Marcos.
Kung ibabatay aniya sa latest Social Weather Station Survey, makikitang nangunguna si Marcos sa may malakas na pulso sa publiko kaya’t hindi rin ito maaaring bumaba sa posisyong tatakbuhan dahil sa malaking tiyansa nito.
Gayonman ay nilinaw ni Labinia na maaari pa itong magbago dahil may mga taga suporta din umano ang iba pang kandidato tulad ng nasa oposisyon na si Vice President Leni Robredo at sina Isko Moreno, Many Pacquiao, Ping Lacson at iba pa.
Ipinunto nito na advantage naman para sa oposisyon ang hindi pagsasama ng Duterte-Marcos voters para mapalakas ang kanilag puwersa.