Sisimulan na ngayong linggo ang pamamahagi ng emergency shelter assistance (ESA) sa mga pamilyang nasiraan ng bahay sa nangyaring magkasunod na lindol sa Itbayat, Batanes, nitong Sabado ng umaga.
Sa press briefing ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Basco Airport, makakatanggap ng P60,000 na emergency shelter assistance ang mga pamilyang totally damaged ang tirahan, habang P30,000 para sa partially damaged.
Sa naturang halaga, ang P30,000 para sa totally damaged houses at P10,000 sa partially ay magmumula sa Department of Social Welfare and Development, habang ang P30,000 sa totally at P10,000 sa partially ay mula sa National Housing Authority.
Nabatid na aabot sa 15 bahay sa bayan ng Itbayat na sentro ng pagyanig ang totally damaged habang posible pang tataas ang bilang ng mga partially damaged, habang patuloy ang assessment sa lugar.
Samantala, inutos ni Duterte ang pagpapalabas ng P40 milyon na tulong pinansyal para pondohan ang konstruksyon ng isang bagong klinika sa Basco.
Ayon sa Pangulo, hindi siya pabor sa pagsasaayos sa ospital na bahagyang nasira sa lugar dahil bukod sa mahal na gastos ay hindi pa tiyak ang tibay nito.
Nangako rin ang Pangulo ng pagkakaroon ng pantalan at pagpapalaki ng pasilidad o runway sa Itbayat at Basco airport upang mapadali ang pagbibigay ng tulong.
Inatasan din niya ang Philippine Coast Guard na magpatrolya sa isla.
Nabatid na nasa kabuuang 2,963 indibidwal o 911 pamilya ang apektado sa lindol kung saan aabot sa 300,000 family food packs ang naka-standby mula sa DSWD national habang 30,000 food packs ang nakatakdang ipamahagi sa mga apektadong residente mula sa DSWD RO2.
Sa ngayon aniya, ay unti-unti nang naibabalik ang serbisyo ng kuryente habang bumalik na sa normal ang linya ng komunikasyon sa lalawigan.
Patuloy namang nakararanas ng aftershocks sa lalawigan at hindi pa rin nakakauwi ang mga residente sa kanila-kanilang bahay na pansamantalang nagtayo ng mga tents sa plaza.
Kung maaalala, naitala ang magnitude 5 na lindol bandang alas-4:16 ng madaling araw noong Sabado, na sinundan ng isa pang magnitude 3.2 makalipas ang isang oras, bago naitala ang “main shock” na pumalo sa magnitude 5.9 bandang alas-7:00 ng umaga.
Nag-iwan ito ng walong kataong patay, isa ang nawawala, habang 63 ang nagtamo ng injury.