Ipinag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr ang agarang pagsusumite ng mga datos ng mga naapektuhan ng Supertyphoon Egay para sa agarang pagbibigay ng tulong matapos malaman ang malaking pinsala ng bagyo sa agri-fishery na nagkakahalaga ng mahigit P774 milyon sa buong Region 2.
Sa kanyang pagbisita sa lalawigan, nanghinayang ang Pangulo sa pinsalang iniwan ng bagyo kung saan ang pinakamataas sa mga napinsala sa sektor ng agrikultura ay ang lalawigan ng Cagayan sa mahigit P539 milyon.
Sa naging presentasyon ni Cagayan Governor Manuel Mamba, pinakamalaki sa mga napinsala ang mais na umaabot sa mahigit P327M na sinundan ng High Value Crops na P123M habang P41M sa palay at P47M sa fishery bukod pa sa naitalang mahigit P1M sa livestock.
Umaabot naman sa P862,300,000 ang naitalang pinsala sa inprastraktura kung saan ang mga datos na ito ay inisyal pa lamang at posible pang madagdagan.
Nasa 1,542 na mga kabahayan naman ang partially damaged habang 83 ang totally damaged kung saan galing ito sa 9 na bayan sa probinsiya.
Sa ngayon ay halos 14-K na pamilya o katumbas ng 43,645 individuals ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyo sa lalawigan.
Ito ay mula sa 291 na Brgy sa 26 na mga bayan kung saan ilan sa mga inilikas ay pinayagan nang umuwi sa kanilang tahanan matapos bumaba ang lebel ng tubig.
Wala namang naitalang casualty, subalit may 20 nasugatan at may apat na nawawala.
Ang Isabela naman ay nag-ulat ng P226 milyon na pinsala ng bagyo; Nueva Vizcaya, P111 milyon; at Quirino sa P17.4 milyon habang wala pang datos ang Batanes.
Dahil sa naturang pinsala ay pinangangambahan ng Pangulo na posibleng mag-angkat ang bansa ng bigas subalit maaaring magkaroon ng problema sa price increase dahil naghahanda rin ang ibang mga bansa sa timog silangang asya sa posibleng epekto ng El Nino gaya sa Indonesia na nag aangkat na rin ng bigas habang ang Vietnam at India ay inihinto na ang kanilang exportation.
Ayon sa Pangulo, makakaasa aniya ang mga naaplektuhan na mahahatiran ng tulong mula sa national government gaya ng pamamahagi ng binhi at tulong pinansyal.
Samantala, inihayag naman ni Senador Imee Marcos ang paglalatag ng solusyon sa sektor ng agrikultura sa pamamgitan ng pagsalba sa mga pananim na maari pang pakinabangan gayundin ang paghahabol sa muling pagtatanim na maaaring maani bago ang Nobyembre para maiwasan na maapektuhan ng mga kalamidad.
Sinabi rin ng Senadora na kabilang sa mga tulong na ibibigay ay ang mga small ruminants and livestock bilang suporta sa pangunahing pinagkakakitaan ng mga magsasaka at mangingisda kasabay pa ng pamamagi rin ng educational assistance para sa kanilang mga anak na nag aaral.
Inihayag naman ni Office of Civil Defense o OCD Regional Director Leon Rafael Jr na bagamat nasa ligtas na sitwasyon na ang pitong tripulanteng sakay ng tugboat na nirespondehan ng apat na miyembro ng PCG sa Camiguin Island ay hindi pa rin nahahanap at nananatiling missing ang apat na rescuers kung kayat nakatakdang magsagawa ng aerial search ang mga otoridad.
Bukod dito lahat ng 17 kalsada sa rehiyon na naapektohan ay maaari na ngayong madaanan kasama na ang 20 tulay.
Mula naman sa 40 munisipalidad na nawalan ng kuryente ay 29 na bayan na naibalik ang suplay kung saan target ng Cagayan Electric Cooperative o CAGELCO-2 na ma-restore ang suplay ng kuryente sa mga kabahayan hanggang August 7.
Operational na rin lahat ng mga airports at sepaorts sa rehiyon.
Ang bayan ng Sanchez Mira naman ang tanging nagdeklara ng state of calamity sa ngayon dahil sa malaking halaga ng pinsala ng bagyo.
Kasabay ng pagbisita ni Pangulong Marcos ay namigay ito ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P15 milyon para sa Cagayan, P5M para sa Kalinga habang tig-P3 milyon naman para sa anim pang mga local officials mula sa bayan ng Aparri, Sanchez Mira, Sta. Ana, Abulug, Calayan at Sta. Teresita na malubhang naapektuhan ng bagyo.
Sinabi naman ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na dati nang nakahanda ang mga nasa mahigit 50,000 relief goods na ipapamahagi ng ahensya sa rehiyon habang may ilang LGUs na rin ang nakapagrequest na ng karagdagang relief goods na dahilan para ipamahagi ang nasa 14,000 food packs at non food items.