Aabot sa P40 milyon ang halaga ng hatid na tulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa probinsya ng Batanes na naapektuhan ng bagyong Julian.

Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng tulong sa bayan ng Basco, sinabi ni PBBM na mula kay House Speaker Martin Romualdez ang P15 milyon habang galing naman sa Office of the President (OP) ang P25 milyon.

Aniya, maliban pa ito sa tig-P10,000 cash ayuda para sa bawat household o pamilya.

Ayon sa Pangulo, namahagi rin aniya ng libu-libong family food packs ang pamahalaan na naisagawa na bago pa man tumama ang bagyo.

Sa naunang 14,000 food packs aniya, sinabi ng Chief Executive na naipamigay na ang 7,000 habang may darating pang karagdagang 14,000 food packs na aniya’y second round ng ayuda para sa mga apektadong residente.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, lubos naman ang pasasalamat ni Batanes Governor Marilou Cayco kay Pangulong Marcos sa pagmamahal at malasakit nito sa mga mamamayan ng Batanes.