Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) sa buong bansa na agad tanggalin ang mga pangalan, larawan, at iba pang palatandaan ng pagkakakilanlan ng mga opisyal mula sa mga proyektong, programa, at ari-ariang pinondohan ng gobyerno.

Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2026-006, inutusan ang mga opisina sa antas probinsya, lungsod, munisipalidad, barangay, at maging ang mga tanggapan ng DILG na tiyaking walang pangalan, imahe, logo, slogan, inisyal, color scheme, o anumang simbolo na tumutukoy sa isang opisyal ang makikita sa mga karatula, marker, tarpaulin, at iba pang materyales na pinondohan ng pamahalaan.

Ayon kay Interior SecretaryJonvic Remulla, ang mga proyekto ng gobyerno ay mula sa buwis ng taumbayan at hindi dapat gamitin para sa personal na promosyon ng sinumang opisyal.

Dagdag pa ng kalihim, nakabatay ang circular sa 1987 Constitution, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, at sa mga patakaran ng Commission on Audit (COA) na itinuturing na hindi kinakailangang gastusin ang mga personalisadong display.

Nakalagay rin sa 2026 General Appropriations Act ang pagbabawal sa paglalagay ng pangalan at larawan ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang nagbabala si Remulla na maaaring harapin ng mga opisyal na lalabag ang preventive suspension at mga kasong administratibo kung patuloy nilang gagamitin ang mga programa ng gobyerno para sa personal na promosyon.

Hinimok din niya ang publiko na kumuha ng litrato o video ng mga paglabag at i-report ang mga ito, habang ikinokonsidera ng DILG ang pagtatayo ng isang reporting portal.