

TUGUEGARAO CITY- Pangamba at agam-agam ang namamayani ngayon sa mga Pilipino at iba pang residente sa lungsod ng Kyiv sa Ukraine bunsod ng lumalalang tension sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Sinabi ni Joy Fernandez Tolentino, Bombo News International Correspondent sa Ukraine na sa tuwing lumalabas siya ay hindi nawawala ang kanyang takot na baka biglang magkaroon ng mga putukan.
Gayonman, sinabi niya na normal pa naman ang sitwasyon sa Kyiv City dahil sa may pasok pa ang sa mga paaralan maging sa kindergarten at maging sa mga trabaho.
Subalit, sinabi niya na umalis na sa Kyiv ang mga anak na bata ng kanyang employer at dinala sila sa mas ligtas na lugar sa loob pa rin naman ng Ukraine.
May ilang mamamayan na rin sa lungsod ang umaalis dahil sa pangamba sa nagaganap na tension.
Kasabay nito, sinabi niya na sinabihan sila ng konsulada na kung sakali na titindi pa ang sitwasyon ay kailangan na nasa iisang lugar ang mga Pinoy para mabilis lamang silang kunin ng sasakyan at dalhin sa mas ligtas na lugar.
Idinagdag pa ni Tolentino na nagkakausap naman sila ng mga Pinoy sa Ukraine at nagkukumustahan ukol sa kanilang kalagayan.
Sinabi pa niya na pinapayuhan sila ng pamahalaan ng Ukraine na huwag magpanic dahil sa ginagawa naman nila ang lahat upang matiyak na hindi mangyayari ang pinangangambahan na giyera sa pagitan nila ng Russia.










