Pinawi ng National Meat Inspection (NMIS) ang pangamba ng publiko kaugnay sa pagkamatay ng mga alagang baboy sa Rodriguez Rizal.
Sa panayam ng Bombo Radyo, nilinaw ni Regional Director Orlando Ongsoto ng NMIS Region II na patuloy pang inaalam ang sanhi ng pagkamatay ng mga baboy kung kaya hindi pa ito masasabing dulot ng African Swine Fever.
Bukod sa mga checkpoints, tiniyak ni Ongsoto na mahigpit ang ipinatutupad na protocol tulad ng pagkatay sa mga baboy na nasa loob ng 1-kilometer radius sa lugar na may nasawing baboy.
Mahigpit rin ang pagbabawal ng paglabas ng baboy sa 7-kilometer radius.
Gayonman, sinabi ni Ongsoto na hindi nakakahawa sa tao ang karneng may ASF subalit may negatibo umanong epekto ang pagkakaroon ng epidemya sa pagkamatay ng maraming baboy na ikalulugi ng industriya.
Maaaring may ASF ang isang baboy kung mayroon itong sintomas ng lagnat, pulang pantal sa katawan, at pagdurugo ng internal organs na ikamamatay nito sa loob ng dalawa hanggang 10 araw.
Sa kabila nito, sinabi ni Ongsoto na sapat ang suplay ng meat at pork products sa rehiyon.