
Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng agarang reporma upang mapalakas ang multi-bilyong pisong industriya ng asukal sa bansa, kasabay ng babala na maaari itong tuluyang humina dahil sa kakulangan ng suporta ng gobyerno, mataas na gastos sa produksyon, at mababang farmgate prices.
Sa isang public consultation kasama ang mga sugar planter sa Talisay City, Negros Occidental, sinabi ni Pangilinan na mahalagang tugunan ang mga suliranin sa kapasidad, pamumuhunan, pamamahala, at ipatupad ang malinaw na roadmap para sa industriya.
Nangako rin siyang isusulong sa Kongreso ang mga mungkahing magmumula mismo sa sektor.
Ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA), bumaba ang bilang ng sugar mills at refineries sa mga nakaraang taon, habang mas mababa pa rin ang farmgate price ng asukal kumpara sa gastos sa produksyon.
Sa kabila nito, nananatili ang importation ban hanggang Disyembre 2026, at kamakailan ay inaprubahan ng Department of Agriculture ang pag-export ng 100,000 metric tons ng raw sugar sa Estados Unidos upang masuportahan ang kita ng lokal na mga prodyuser.










