Nagdesisyon ang Constitutional Court ng South Korea na sibakin si President Yoon Suk Yeol, kung saan pinagtibay ang impeachment motion ng parliament kaugnay sa panandaliang pagpapatupad ng martial law nitong nakalipas na taon na nagresulta sa political crisis sa bansa.
Dahil sa pagpapatalsik kay Yoon, kailangan ang presidential election sa loob ng 60 days, batay sa konstitusyon ng bansa.
Magpapatuloy na magsisilbing acting president si Prime Minister Han Duck-soo hanggang sa panunumpa ng bagong presidente.
Kaugnay nito, nahaharap pa si Yoon sa criminal trial sa kasong insurrection.
Si Yoon, 64-anyos ang kauna-unahang nakaupong presidente ng South Korea na inaresto noong January 15 subalit pinalaya nitong nakalipas na buwan matapos na kanselahin ng korte ang kanyang arrest warrant.
Sumiklab ang krisis sa South Korea matapos na ideklara ni Yoon ang martial law noong December, kung saan sinabi niya na kailangan ito upang labanan ang “anti-state” elements at mapigilan ang umano’y pang-aabuso ng parliamentary majority na ayon sa kanya ay sumisira sa kanilang bansa.
Binawi ni Yoon ang martial matapos ang anim na oras matapos na pigilan ng mga mambabatas ang pagtatangka ng security forces na isara ang parliament.
Sinundan ito ng mga protesta, at hindi pa malinaw kung huhupa na ang kaguluhan sa pulitika kasunod ng desisyon ng korte.