Tuguegarao City- Nagpatawag ng pagpupulong si pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga alkalde at gobernador sa bansa kaugnay sa lumalaganap na banta ng 2019 novel coronavirus.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Joan Dunuan ng Baggao Cagayan, napag-usapan aniya sa nasabing pulong ang pagbibigay ng pansin sa naturang sakit.
Sinabi aniya ng pangulo na kailangang magtulungan ng lahat ng ahensya at huwag magpanic sa kabila ng paglobo ng bilang ng mga nagiging biktima ng sakit sa buong mundo.
Nagbigay aniya ng direktiba ang pangulo sa mga ito na palawigin ang pagkakaroon ng briefings at mga meeting sa lahat ng barangay upang mabigyan ng tamang impormasyon ang publiko.
Kaugnay nito ay ang pagbuo ng Barangay Health and Emergency Response Team na makatutulong sa pagcontrol ng paglaganap ng nCoV sa bansa.
Sa pamamagitan nito ay mas mapapadali umano ang ginagawang monitoring ng mga otoridad upang agad na makagawa ng kaukulang aksyon banta sa naturang sakit.