Inihayag ni Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na bukas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa posibilidad na muling pag-usapan ang pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), bagamat hindi pa ito aktibong tinatalakay sa kasalukuyan.

Ang pahayag ay kasunod ng panawagan ng UN Special Rapporteur na si Irene Khan na muling ratipikahan ng bansa ang Rome Statute at iba pang kasunduang may kinalaman sa karapatang pantao, lalo na sa harap ng mga ulat ng extrajudicial killings at kawalan ng pananagutan sa bansa.

Umatras ang Pilipinas mula sa ICC noong 2019 matapos simulan ng korte ang imbestigasyon sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

Noong Marso, nang matanong si Marcos tungkol sa posibilidad ng pagbabalik sa ICC, sinabi niyang hindi pa ito napag-uusapan, kasunod ng pagkaka-aresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Netherlands.