Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabalik ng traditional school calendar, kung saan itinakda ang school year 2024-2025 sa July 29.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang sectoral meeting na dinaluhan ni Education Secretary at Vice President Sara Duterte kahapon sa Malacañang upang tugunan ang public concerns ng schedule ng pasukan sa gitna ng pagsisikap na unti-unting ibalik ang bakasyon sa April-May.
Napagkasunduan sa pulong na sa July 29, 2024 ang umpisa ng pasukan para sa susunod na school year na magtatapos sa April 15, 2025.
Iprinisinita ni Duterte ang dalawang options para sa pagbabago ng school calendar.
Ang una ay binubuo ng 180 school days na may 15 na in-person classes sa Sabado, habang ang ikalawa ay magkaroon ng 165 school days na walang in-person Saturday classes.
Subalit ang mga options na ito ay magtatapos sa March 31, 2025.
Tinanggihan ni Pangulong Marcos ang 165-day school dahil ito umano ay masyadong maiksi at lalong makakabawas sa bilang ng school days at contact time na makakaapekto umano sa pag-aaral ng mga estudyante.
Inaprubahan niya ang 180 school days subalit binago niya ang pagtatapos ng school year sa April 15 dahil ayaw niyang pumasok sa mga paaralan ang mga mag-aaral sa Sabado dahil sa magbibigay ito ng panganib sa well-being ng mga ito at mangangailangan ng karagdagang resources.
Una rito, binago ng Department of Education ang school calendar, kung saan inilipat ang bakasyon mula Abril sa Mayo at sa Hunyo at sa Hulyo dahil na rin sa panahon ng tag-ulan na madalas na nagreresulta sa pagkansela ng pasok.
Subalit, nitong nakalipas na mga buwan, kasunod ng deklarasyon ng summer season, nakaranas ang bansa ng matinding init ng panahon na nagbunsod din ng suspension ng face-to-face classes, kung saan maraming mga paaralan sa bansa ang apektado.