
Inaasahang maglalabas ng desisyon si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kahilingan ng United States na i-extradite si Pastor Apollo Quiboloy kaugnay ng mga kasong sex trafficking at racketeering na kinahaharap nito sa Amerika.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, sinabi ni Marcos na kailangan munang masusing pag-aralan ang kahilingan bago maglabas ng pinal na desisyon. Inaasahan itong iaanunsyo sa loob ng ilang linggo.
May dalawang opsyon umano ang pamahalaan batay sa extradition treaty ng Pilipinas at Estados Unidos. Maaaring manatili si Quiboloy sa Pilipinas habang dinidinig ang mga kaso laban sa kanya, o pansamantalang masuspinde ang mga lokal na kaso upang maipadala siya sa Estados Unidos.
Sinabi ni Castro na hindi pa malinaw kung alin sa dalawang opsyon ang susuportahan ni Marcos at kailangan munang dumaan sa tamang proseso ang usapin.
Si Quiboloy ay inaresto sa Pilipinas noong Setyembre 2024 at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 at qualified human trafficking sa Pasig. Kasalukuyan siyang nakadetine sa Pasig City Jail at una nang nagpasok ng plea na not guilty sa mga kaso.










