Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Health–Jose B. Lingad Children’s Medical Center sa Clark Freeport, Pampanga na magsisilbing espesyal na ospital para sa mga bata mula sa Hilaga at Gitnang Luzon. Inanunsyo ng Pangulo na magsisimula itong tumanggap ng mga pasyente sa Agosto 1.

Ayon kay Pangulong Marcos, magbibigay ang makabagong pediatric hospital ng libre at dekalidad na serbisyong medikal para sa mga bata at kanilang pamilya mula sa Regions I, II, at III, gayundin sa mga karatig-lugar. Bahagi rin ito ng unang yugto ng Clark Multi-Specialty Medical Center kung saan nakaplanong magtayo ng renal, cardiovascular, at cancer centers.

Sinabi rin ng Pangulo na ipatutupad sa ospital ang Zero Balance Billing Program, Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients, at Yaman ng Kalusugan Program upang matiyak na walang pasyenteng mapagkakaitan ng serbisyong medikal dahil sa kakulangan sa kakayahang magbayad.

Binigyang-diin din ni Marcos ang patuloy na pagpapalawak ng mga benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, kabilang ang pinalawak na newborn care package para sa screening tests, bakuna, at gamutan ng mga premature at mababang timbang na sanggol. Aniya, ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan upang mabigyan ang bawat batang Pilipino ng pagkakataong lumaking malusog at matatag.