Pumanaw na si Félicien Kabuga, isa sa mga pangunahing akusado sa 1994 Rwandan genocide, habang nililitis sa International Criminal Residual Mechanism for Criminal Tribunals (IRMCT) sa The Hague, ayon sa United Nations.

Kinumpirma ng IRMCT na namatay si Kabuga sa isang ospital noong Sabado, Mayo 16, sa edad na 90.

Matagal siyang itinuturing na isa sa pinakamatagal na “most wanted fugitives” sa mundo dahil sa umano’y papel niya sa pagpopondo at pagsuporta sa genocide sa Rwanda noong 1994, kung saan tinatayang humigit-kumulang 800,000 katao ang nasawi sa loob lamang ng ilang buwan.

Ayon sa mga akusasyon, kabilang si Kabuga sa mga nasa likod ng Radio-Télévision Libre des Mille Collines (RTLM), isang istasyon ng radyo na umano’y nag-udyok sa mga etnikong Hutu na patayin ang mga Tutsi sa kasagsagan ng genocide.

Ipinapalagay din na siya ay namahagi ng mga machete at sumuporta sa mga grupong sangkot sa malawakang pamamaslang.

-- ADVERTISEMENT --

Noong 2020, naaresto siya sa Paris matapos ang halos tatlong dekadang pagtatago gamit ang iba’t ibang pekeng identidad at pasaporte.

Pagkatapos maaresto, inilipat siya sa The Hague kung saan naharap siya sa mga kasong genocide, conspiracy to commit genocide, incitement to genocide, at crimes against humanity kabilang ang murder at extermination.

Mariin namang itinanggi ni Kabuga ang lahat ng paratang at nagpasok ng not guilty plea sa korte.

Noong 2023, ipinahinto ng mga hukom ang paglilitis matapos ideklarang hindi na siya physically at mentally fit upang humarap sa paglilitis.

Iniutos ng presiding judge na si Graciela Gatti Santana ang masusing imbestigasyon sa sanhi at kalagayan ng kanyang pagkamatay.