Tinanggihan ng Pasig City court ang panibagong hirit ng kampo ng nakakulong na si Pastor Apollo Quiboloy na isailalim siya sa hospital arrest.
Sinabi ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159, na wala itong nakitang sapat na dahilan para ilipat si Quiboloy sa hospital arrest, alinman sa Philippine Heart Center o sa The Medical City.
Nakasaad pa sa desisyon na batay sa records, maayos naman na naibibigay ang pangangailangang medikal at binabantayan ang kanyang kalagayan habang siya ay nasa kustodiya ng Pasay City Jail, at patuloy naman ang pagtanggap ng tama, napapanahon, at sapat na medical care sa ospital, sa ilalim ng superbisyon ng magagaling na medical professionals.
Sa kaniyang mosyon, sinabi ni Quiboloy na nakararanas siya ng patuloy na hirap sa paghinga, kasama ng paminsan-minsang lagnat, pananakit ng kalamnan, at ubo habang nasa kulungan.
Gayunman, napuna ng RTC na na-clear na si Quiboloy ng isang ospital noong Setyembre.
Ang Pasig RTC Branch 159 ang humahawak sa inamyendahan na kasong non-bailable qualified human trafficking sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208.
Samantala, itinakda sa Disyembre 11 ang susunod na pagdinig matapos itong ipagpaliban ngayong araw.
Inaasahan sanang magbibigay ng testimonya si dating Philippine National Police chief Nicolas Torre kung natuloy ang pagdinig ngayon.
Noong 2024, tinanggihan din ng Pasig court ang naunang kahilingan ni Quiboloy para sa hospital arrest.
Nahaharap din si Quiboloy sa mga kaso sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, sa isang korte sa Quezon City.