Tuguegarao City- Umabot na sa 22 ang positibong kaso ng COVID-19 sa lambak ng Cagayan.

Ito ay matapos na maidagdag sa listahan ng mga nagpositibo si PH 3098, isang 50 anyos na lalaki mula sa lungsod ng Tuguegarao.

Sa panayam kay Oliver Baccay ng Philippine Information Agency (PIA) Cagayan, mayroon aniyang travel history mula sa Manila ang pasyente.

Sinabi pa nito na ika-11 ng Marso ng makaramdam ng pananakit ng lalamunan, magkaubo at magkalagnat ang pasyente kaya’t agad nagpakonsulta at kinuhanan ng swab test.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sa ngayon ay nasa stable condition na umano ang iba pang mga pasyente at hinihintay pa rin ang resulta ng kanilang mga swab test upang malaman kung negatibo na ang mga ito sa naturang sakit.

Matatandaang kamakailan ay naglabas ng pahayag ang Department of Health kaugnay sa resulta ng 10 pasyenteng nag-negatibo na sa COVID-19.

Ayon kay Baccay ay nadischarge na sa pagamutan ang mga pasyente maliban nalamang kay PH 275 na kasalukuyan pa ring minomonitor ang sakit sa puso.

Maalalang naiulat pa na negatibo na rin sa naturang sakit ang pinakabatang pasyente na si PH 1333 na mula naman sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Umaasa naman si Baccay na sa kabila ng stable condition ng mga pasyente ay tuloy-tuloy na silang makarecover at mabawasan na ang pagdami ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Patuloy pa ring ipinapaalala sa lahat ang pagsunod sa mga pinatutupad na alituntunin upang makaiwas sa banta ng naturang sakit.