Nagpositibo ngayong araw sa coronavirus disease (COVID-19) ang isang benepisyaryo ng Balik Probinsiya Program ng pamahalaan na umuwi ng Isabela noong June 2, 2020.
Ayon kay Health Education and Promotion Officer 3 Lester Guzman ng Department of Health Region 2, ang pasyente ay isang 38-anyos na babae na kauna-unahang positibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Aurora matapos umuwi mula Pasay City na agad namang isinailalim sa 14-days quarantine.
Nabatid na June 16 nang natapos nito ang quarantine at isinailalim sa rapid test kung saan nagpositibo ang pasyente kung kaya kinuhanan siya ng swab bilang specimen sample at lumabas ang positibong resulta ngayong araw.
Sa kasalukuyan ay walang naipamalas na sintomas ang pasyente na pang-ika-46 na positibong kaso ng COVID-19 sa Region II na nasa pangangalaga ng Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Samantala, kinumpirma ni Guzman na nananatiling positibo sa kanyang ikatlong swab test para sa COVID-19 ang 30-anyos na babaeng OFW na mula sa Echague, Isabela.