Asahan ang panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy (DOE).

Ayon kay DOE–Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, batay sa industry estimates mula sa Mean of Platts Singapore (MOPS) trading sa nakalipas na apat na araw, posibleng tumaas ang presyo ng gasolina ng humigit-kumulang ₱0.60 kada litro, diesel ng ₱1.35 kada litro, at kerosene ng ₱1.00 kada litro.

Ayon kay Romero, hindi pa kabilang sa mga naturang pagtataya ang operating costs ng mga kumpanya ng langis at iba pang premiums.

Ipinaliwanag ng opisyal na ang panandaliang pag-angat ng presyo ng krudo at finished petroleum products ay dulot ng pangamba sa posibleng paglala ng tensyon sa Iran, na maaaring makaapekto sa suplay ng krudo mula sa ikaapat na pinakamalaking producer ng OPEC.

Noong Enero 13, nagtaas na ng presyo ang mga petroleum retailer kung saan umakyat ng ₱0.30 kada litro ang gasolina, ₱0.20 ang diesel, at ₱0.30 ang kerosene.

-- ADVERTISEMENT --

Ito na ang ikatlong sunod na linggo ng pagtaas ng presyo para sa diesel at kerosene.

Patuloy namang pinapayuhan ng DOE ang publiko na magtipid sa konsumo ng fuel at bantayan ang mga susunod na anunsyo kaugnay ng galaw ng presyo ng langis.