Muling sasalubungin ng mas mataas na presyo ng produktong petrolyo ang mga motorista sa darating na Martes, Setyembre 9, matapos ianunsyo ng mga kumpanya ng langis ang panibagong round ng oil price hike.

Ayon sa abiso ng Shell Pilipinas Corp. at Seaoil Philippines Corp., tataas ng P1.00 kada litro ang presyo ng gasolina, P1.40 kada litro sa diesel, at P0.70 kada litro sa kerosene.

Ipatutupad ang mga pagbabago sa presyo simula alas-6 ng umaga ng Martes.

Ito na ang ika-apat na sunod na linggo ng pagtaas sa presyo ng gasolina, at ikatlong sunod na linggo para sa diesel at kerosene.

Ayon sa Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), ang bagong bugso ng pagtaas ay bunsod ng mga internasyonal na salik tulad ng bagong parusa ng Estados Unidos laban sa kita ng langis ng Iran, pagkaantala ng export patungong India, at lumalalang tensyon dulot ng airstrikes sa pagitan ng Russia at Ukraine.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, umabot na sa P12.80 kada litro ang kabuuang netong pagtaas ng gasolina ngayong taon, P13.45 kada litro sa diesel, at P2.75 kada litro sa kerosene, batay sa datos ng DOE hanggang Setyembre 2, 2025.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo, nananawagan ang mga consumer groups sa pamahalaan na agad na magpatupad ng fuel subsidies at iba pang hakbang upang maibsan ang epekto ng krisis sa mga mamamayan.