Mas magiging mas exciting ang Pansit Festival na bahagi ng pagdiriwang ng Pavvurulun Afi Festival ng lungsod ng Tuguegarao sa susunod na buwan dahil sa mga idinagadag na mga mechanics at mga kalahok.
Sinabi ni Atty. Roderick Iquin, ng legal office ng LGU Tuguegarao at mangangasiwa sa nasabing aktibidad na kabilang na rin sa kalahok sa pansit eating contest ay ang 15 ahensiya ng pamahalaan, local media, isang team ng vlogger at tatlong team mula sa 15 na wildcard entry mula sa audience sa venue ng aktibidad.
Ang mananalo sa pansit eating contest ay makakatanggap ng P10k.
Sa cooking contest naman, 20 ang kalahok na pansiteria na pinili base sa kanilang qualification at requirements o kumpleto sila sa mga dokumento tulad ng business permit sa kanilang negosyo.
Sinabi ni Iquin na ang magkakampeon sa pansit cooking contest ay makakatanggap ng P50k, P30k para sa 1nd runner-up at P20k para sa 2nd runner-up at tig-P5k naman sa mga hindi mananalo.
Ayon kay Iquin, hindi na kasali ang kampeon sa pansit cooking contest nitong 2023 sa halip ito ang magluluto ng pansit batil potun sa mga guests at judges.
Bukod dito, sinabi niya na may hiwalay na lamesa para sa libre na pakain ng pansit.
Sinabi pa ni Iquin na binago na rin ang oras ng nasabing event na isasagawa na 6:00 ng gabi hanggang 10: p.m. na dati ay isinasagawa ng umaga.
Isasagawa pa rin ito sa Bonifacio Street sa August 3.
Dagdag din sa saya sa nasabing event ang tiktok dance contest sa pagitan ng pansit eating at pansit cooking contest.
Magkakaroon din aniya ng banda habang isinasagawa ang nasabing aktibidad.