![](https://img.bomboradyo.com/tuguegarao/2023/05/pansit-festival.jpg)
TUGUEGARAO CITY-Pinag-aaralan ng sangguniang panlungsod ng Tuguegarao ang pagkakaroon ng Pansit Festival na hiwalay sa Afi Festival tuwing kapistahan ng lungsod sa buwan ng Agosto.
Sinabi ni Councilor Tirso Mangada na ito ay upang lalo pang makilala ang “pansit batil potun” sa lungsod na isa sa mga dinarayo ng mga bisita.
Ayon sa kanya, pag-aaralan kung anong petsa ang Pansit Festival na itataon sa panahon na maraming bisita ang pumupunta dito sa lungsod.
Samantala, sinabi ni Mangada na umaasa siya na maraming natutunan ang mga pansit owners at mga gumagawa ng miki sa isinagawang dalawang araw na seminar on food safety and product standardization.
Ayon sa kanya, sa unang araw ng seminar ay 26 na pansit owner ang participants kung saan ay itinuro sa kanila ang malinis at tamang paghahanda at paghahain ng pansit sa kanilang mga customer habang sa ikalawang araw naman ay sa 22 na gumagawa ang miki.
Bukod dito, sinabi niya na layunin din ng nasabing seminar na makilala ng mga pansit owner at miki processor ang bawat isa upang magkaroon din sila ng magandang ugnayan at pagtutulungan.
Sinabi din ni Mangada na plano rin nila na bumuo ng kooperatiba para sa mga nasabing negosyo upang mas maraming ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry ang pwedeng tumulong sa kanila sa pagpapalago ng kanilang negosyo.