Iginiit ng National Economic and Development Authority (NEDA) na magiging biktima lamang ang mga empleyado ng pang-aabuso ang panukalang pagpapalawig sa probationary period na isinusulong sa Kamara.
Ayon kay Engr Ferdinand Tumaliuan, assistant director ng NEDA RO2 na kailangang pag-aralang mabuti ang panukalang gawing dalawang taon mula sa kasalukuyang anim na buwan ang probationary period bago maregular ang baguhang manggagawa.
Binigyang diin ni Tumaliuan na mahalaga ang security of tenure sa isang manggagawa at taliwas umano ang panukala sa layuning wakasan ang kontraktuwalisasyon.
Paliwanag ni Tumaliuan, magiging dehado ang mga manggagawa sa oras na maisabatas ang panukala lalo sa kanilang matatanggap na benepisyo tulad ng 13th month pay na ibinibigay lamang sa regular na empleyado.
Dahil dito, naniniwala si Tumaliuan na ang panukala ay pumapabor sa mga employer.
Layon ng House Bill No. 4802 na inihain ni Ang Probinsiyano Partylist Representative Jose Singson na amiyendahan ang Labor Code of the Philippines.