Ipinahayag ng Department of Budget and Management (DBM) na nakasentro sa sektor ng edukasyon ang panukalang P6.793-trilyong national budget para sa 2026, kasabay ng pagtalakay nito sa Senado.

Ayon sa DBM, prayoridad ng administrasyon ang pagpapalakas ng suporta sa mga mag-aaral, guro, at mga komunidad pang-edukasyon, lalo na matapos ang kontrobersiya sa 2025 General Appropriations Act na umanoy naglaman ng mga di-umano’y insertions sa public works projects.

Sa 2025 DepEd Classroom Summit sa SMX Clark, binigyang-diin ng DBM na layunin ng pamahalaan na makapagpatayo ng mas ligtas, maayos, at climate-resilient na mga paaralan.

Ipinunto nitong itinuturing na “education budget” ang 2026 National Expenditure Program dahil sa pagtutok nito sa pagpapatuloy ng pagkatuto at pagpapaunlad ng imprastraktura.

Sa panukalang P928.5-bilyong pondo para sa Department of Education, P44.58 bilyon ang inilaan para sa pagtatayo ng halos 4,900 bagong silid-aralan at pagkukumpuni ng higit 9,400 pang mga silid. May hiwalay na pondo ring higit P1.134 bilyon para sa pagsasaayos ng mahigit 100 Gabaldon school buildings.

-- ADVERTISEMENT --

Para sa malalayong lugar, nakalaan ang P3 bilyon para sa 200 Last Mile Schools na kumpleto sa solar power, tubig, sanitasyon, at angkop na kagamitan. May pondo rin para sa higit 18,000 classroom furniture sets, electrification ng mahigit 400 paaralan, at pagtatayo ng higit 300 health at sanitation facilities.

Bukod dito, P9.39 bilyon ang inilaan sa Infrastructure for Safer and Resilient Schools Project para sa rehabilitasyon at muling pagtatayo ng halos 1,300 disaster-affected schools, na katumbas ng mahigit 13,000 silid-aralan.

Nagsilbi ring plataporma ang unang Classroom Summit para tugunan ang classroom backlog, palakasin ang procurement readiness, at talakayin ang mga makabagong solusyon sa imprastraktura ng paaralan kasama ang mga ahensya, LGU, CSO, at development partners.