Naghain si Akbayan Party-list Rep. at House Assistant Minority Leader Chel Diokno ng panukalang batas na magpapalawig sa paternity leave mula pitong araw hanggang 90 araw para sa mga ama matapos ang panganganak.

Sa ilalim ng House Bill 9891 o Paternity and Parental Leave Act, layunin nitong mabigyan ng mas malaking papel ang mga ama at tagapag-alaga sa pag-aaruga sa sanggol sa mga unang buwan ng buhay nito.

Nakasaad din sa panukala ang 60-araw na paternity leave para sa mga kaso ng miscarriage o emergency termination of pregnancy, at karagdagang 15 araw na paid parental leave na maaaring gamitin sa loob ng isang taon matapos ang panganganak.

Ayon kay Diokno, makatutulong ang panukala sa pagpapalakas ng ugnayan ng pamilya, pagsusulong ng gender equality, at mas maayos na pag-unlad ng mga bata.

Saklaw ng panukala ang mga may-asawang ama, mga ama sa labas ng kasal, alternatibong tagapag-alaga, gayundin ang mga manggagawa sa informal sector at mga boluntaryong miyembro ng Social Security System o SSS.

-- ADVERTISEMENT --