Inihain ni Caloocan City 2nd District Representative Edgar “Egay” Erice ang House Bill No. 1676 o “Barangay Tanod Empowerment and Protection Act of 2025″ upang mapalakas ang kakayahan at proteksyon ng mga barangay tanod sa buong bansa.
Ipinanukala ang batas noong Hulyo 9, 2025 bilang tugon sa mahalagang papel ng mga barangay tanod bilang katuwang ng Pambansang Kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa mga pamayanan.
Layunin ng panukala na kilalanin ang mga tanod bilang Auxiliary Police Personnel, sa halip na ituring lamang silang mga boluntaryo.
Ayon sa panukalang batas, magiging kwalipikado ang mga tanod na may edad 21 hanggang 60 taong gulang, malusog, at handang sumailalim sa pagsasanay upang mapahusay ang kanilang kakayahan sa pagtupad ng tungkulin.
Bilang bahagi ng kanilang pagtaas sa katayuan, nakasaad sa panukala na makatatanggap ang mga barangay tanod ng buwanang subsidiya na P2,000 bukod sa kanilang kasalukuyang honoraria o insentibo mula sa lokal na pamahalaan.
Dagdag pa rito, makatatanggap sila ng uniporme, tamang kagamitan para sa kaligtasan sa operasyon, at siguradong proteksyon habang nasa serbisyo.
Bahagi rin ng panukala ang pagbibigay ng iskolarship para sa hanggang dalawang anak ng bawat barangay tanod bilang insentibo sa kanilang tapat na paglilingkod.
Sa kabuuan, layon ng Barangay Tanod Empowerment and Protection Act of 2025 na itaas ang dignidad, seguridad, at kahalagahan ng mga barangay tanod bilang opisyal na lingkod-bayan na mahalaga sa pangangalaga ng kapayapaan at kaayusan sa bawat komunidad sa bansa.