
Naghain si Senadora Risa Hontiveros at ang Akbayan Party-list ng magkahiwalay na panukalang batas sa Senado at Kamara na naglalayong ipagbawal ang mga miyembro ng political dynasty at mga government contractor na maging nominees o kinatawan sa party-list system.
Layunin ng mga panukala na amyendahan ang Republic Act 7941 o Party-List System Act at maibalik ang tunay na representasyon ng ordinaryong Pilipino sa Kongreso.
Ayon sa panukala, hindi maaaring maging party-list nominee o representante ang sinumang asawa o kamag-anak hanggang ika-apat na antas ng isang kasalukuyang halal na opisyal, kabilang ang party-list representative, o ng nominee ng anumang party-list organization o kandidato sa parehong halalan.
Hindi rin maaaring humalili sa posisyon ng party-list representative ang sinumang kamag-anak o asawa.
Ipinagbabawal din ang mga party-list nominees at organizations na magkaroon ng kontrata o sub-kontrata sa gobyerno, maging partner, director, officer, stockholder, o may interes sa anumang kumpanya na may kontrata sa gobyerno.
Ayon sa mga naghain ng panukala, na-hijack ng mga political dynasty at kontratista ang party-list system, kaya’t layunin nitong pigilan ang pang-aabuso at tiyakin na tunay na sektor ang nakikinabang sa sistema.
Ang bersyon ng Kamara ay kapareho rin ng layunin ng Senado at naglalayong alisin ang limitasyon sa tatlong upuan upang masiguro ang patas at proporsyonal na representasyon.
Pinipigilan din nito ang rehistrasyon ng party-list na hango sa programa sa telebisyon, government assistance programs, o pangalan ng mga public official at celebrity.









