
Ganap nang inaprubahan ng House Committee on Tourism, sa pamumuno ni Romblon Rep. Eleandro Madrona, ang mga panukalang batas na naglalayong tuluyang alisin ang travel tax para sa mga Pilipinong bumibiyahe patungo sa ibang bansa.
Kabilang sa anim na inaprubahang panukala ang House Bill No. 7443 na isinulong ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Layunin nito na tanggalin ang kasalukuyang bayarin na nagkakahalaga ng P2,700 para sa mga first-class passengers at P1,620 para sa mga nasa economy class.
Sa kabila ng pag-apruba, binigyang-diin ng komite na kailangang makahanap ng alternatibong mapagkukunan ng pondo para sa mga ahensyang kasalukuyang umaasa sa koleksyon ng travel tax, gaya ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Commission on Higher Education at National Commission for Culture and the Arts.
Dahil malaking bahagi ng operasyon ng mga nasabing ahensya ang nagmumula sa buwis na ito, tiniyak ng mga mambabatas na maglalatag muna ng maayos na mekanismo bago ito tuluyang buwagin.
Ang nasabing hakbang ay isasailalim pa sa masusing pagtalakay ng House Committees on Ways and Means at Appropriations.










