TUGUEGARAO CITY-Tutol ang ilang Overseas Filipino Workers (OFW) sa itinutulak ng Pangulo na Department of OFW na kabilang sa mga binanggit na priority bills sa kanyang katatapos na State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Ronald Teves ng Baggao, Cagayan na nakabase sa Qatar, sapat na ang ahensiya ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO) na titingin sa mga migrant workers.
Mungkahi ni Teves anag pagpapatibay ng batas para sa karagdagang responsibilidad sa mga POLO attache laban sa mga mapang-abusong employers sa ibang bansa.
Una rito nais ni Pangulong Duterte na maitatag sa loob ng anim na buwan ang Department of Overseas Filipino upang mapagtuunan ng pansin ang mga problema ng mga OFW kaugnay sa mga illegal recruiter at iba pang labor malpractices.
Ang panukalang departamento ay magbabawal sa recruitment ng mga OFW sa ibang bansa imbes ay magkakaroon ng Philippine-based recruitment agencies na sasailalim sa istrikong regulasyon ng pamahalaan.
Nagbabala rin ang Pangulo sa mga ilegal at abusadong recruiter na bilang na umano ang mga araw ng mga ito, dahil hindi na sila papayagang mag operate nang walang direktang supervision mula sa gobyerno.
Hinikayat naman ni Duterte ang mga nagnanais na magtrabaho sa abroad na makiisa sa serbisyo ng mga legal recruiter.
Sa ngayon ay kailangan pa ng mga OFW na pumunta sa iba’t ibang mga ahensya upang kumuha ng mga kailangang dokumento at ipresent ang iba pang concern kagaya ng employment at technical education.
Sakaling maipasa bilang batas ang naturang panukala, ang functions ng Philippine Overseas Employment Agency, Overseas Workers Welfare Administration, Department of Foreign Affairs-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, Commission on the Filipinos Overseas, at ng International Labor Affairs Bureau ay ililipat sa naturang departamento.